Ipinapanukala ngayon ng isang konsehal ang pagbuo ng ‘Youth Reserve Disaster and Emergency Responders’ sa lahat ng tatlumpu’t-isang barangay sa Dagupan City.
Sa iminungkahing Proposed Ordinance Establishing The “Youth Reserve Disaster and Emergency Responders’ na iniakda ni Atty. Jose Netu Tamayo, layunin nitong itaguyod ang boluntaryong partisipasyon ng kabataan ukol sa usaping disaster preparedness sa pamamagitan ng paghikayat sa lahat ng Sangguniang Kabataan Councils na bumuo ng mga magiging kasapi ng itatatag na Youth Reserve Disaster and Emergency Responders.
Ayon sa ipinapanukalang ordinansa, ito ay upang mas mapalakas ang kakayahan ng mga kabataan sa pagtulong sa kahandaan at suporta sa gitna ng mga kalamidad o emerhensiya.
Saklaw din nito ang pagiging kaisa sa adhikaing “Pamilya ang Puso at Progreso” na tumututok sa gampanin ng mga kabataan bilang frontliners tungo sa mas matatag na komunidad.
Ayon kay Tamayo, isa rin itong panawagan sa mga kabataan na mas potensyal sa mga kaalaman at kasanayan, na lalo pang pagtitibayin sa mga ibababang pagsasanay.
Nanindigan si Tamayo sa paniniwala nito sa kakayahan ng mga kabataang Dagupenos na magiging katuwang sa pagbangon lalo na sa oras ng sakuna o iba pang pagkakataong nangangailangan ng pagresponde. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






