Malaking tulong para sa mga taga-Southern Tagalog region ang tuluyang pagsasabatas para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.
Ito’y makaraang maaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang bersyon ng House Bill 7952 na iniakda nina Quezon Reps. Angelina “Helen” Tan at Wilfrido Mark Enverga.
Ang itatayong Multi-Specialty Medical Center ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging Apex Hospital o end-referral hospital sa lugar.
Ikinalugod naman ni Tan, ang pagpapatibay ng Mataas na Kapulungan sa panukala na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya ring isinabatas.
Sinabi pa ni Tan, sa oras na maisabatas na ang pagtatayo ng ospital ay hindi na magsisiksikan ang mga pasyente sa mga pagamutan sa Metro Manila.