Manila, Philippines – Pinauuna ni Misamis Oriental Representative Juliette Uy sa Department of Social Welfare and Development ang pagtatayo ng accessible facilities sa mga lalawigan na may pinakamaraming youth offenders.
Sa harap ito ng kakulangan sa Bahay Pag-asa centers na magsisilbing kanlungan ng mga kabataang sangkot sa krimen sakaling maging ganap na batas ang pagpapababa sa minimum age of social responsibility.
Ayon kay Uy, mas maisasakatuparan sa ngayon ang pagtatayo ng provincial juvenile care facilities upang mabigyan ng prayoridad ang mga batang in conflict with the law.
Maigi aniya kung mas maagang asikasuhin ng DSWD at Department of Budget and Management ang budget requirements para sa konstruksyon ng pasilidad.
Una nang sinabi ng Commission on Human Rights na limampu’t walo lamang ang naitayong Bahay Pag-asa centers sa buong bansa mula sa isandaan at labing-apat na siyang requirement ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.