Itinutulak ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang pagtatayo ng mga bodega na iimbakan ng mga pagkain, gamot, malinis na tubig, damit at iba pang kagamitang kailangan ng evacuees tuwing may kalamidad.
Sa Senate Bill 2860 o ang Disaster Food Bank and Stockpile Act, itatayo ang mga naturang imbakan sa bawat lalawigan at syudad sa lugar na hindi inaabot ng baha at hindi magigiba ng pinakamatinding bagyo at lindol.
Ang mga food bank and stockpile ay pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na siya ring magdedetermina sa dami ng iimbak na mga pagkain, gamot, tubig, first aid kits, bakuna, mga damit, tents, at communication devices.
Nakasaad din sa panukala na maaaring gamitin ang mga nakatayong bodega na pagmamay-ari ng gobyerno kung papasa sa requirements ng kaligtasan.
Ang mga pagkain naman na iimbak ay dapat may dalawang taong shelf life at sa kada 12 buwan ay i-imbentaryo ito upang pagpasyahan kung maaaring ipamahagi sa mga mahihirap para mapalitan ng bagong supplies.
Ayon kay Estrada, ito ay paniguro lamang na may sapat na suplay ng mga pangangailangan ang mga tao kapag may kalamidad at hindi magkukumahog sa paghagilap ng mga pangangailangan tulad na lamang ng nangyari noong nagkapandemya.