Iminungkahi ni Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa mga telecommunication companies na magtayo ng cell site sa bawat pampublikong paaralan upang magkaroon ng internet ang mahigit apatnapung libong barangay sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, makatutulong ito upang pabilisin ang paglalagay ng libreng Wi-Fi hotspots sa mga pampublikong lugar sa bansa, kabilang na ang mga paaralan.
Diin pa ni Gatchalian, higit na kailangang magkaroon ng internet sa bawat paaralan at komunidad upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy ni Gatchalian ang datos ng Project Bandwidth and Signal Statistics na 44 na porsyento o mahigit dalawampung libong mga pampublikong paaralan ang may layong anim na kilometro o higit pa mula sa pinakamalapit na cell site.
Sinabi din ni Gatchalian na kahit mawala na ang COVID-19, ay importante pa ring maabot ng internet ang bawat kabahayan at mabigyan ang mga bata ng kagamitan tulad ng mga gadgets para magamit nila sa pag-aaral.