Isinusulong ni Committee on Metro Manila Development Vice Chairperson at Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo ang pagtatatag ng contact tracing centers sa mga lugar na may naitatalang mataas na kaso ng COVID-19.
Layunin ng House Bill 7538 ni Castelo na magkaroon ng epektibo at sistematiko na tracing at monitoring ng mga COVID-19 positive individuals sa mga lugar na may high incidence ng impeksyon.
Sa ilalim ng panukala, tutukuyin ng Department of Health (DOH) ang mga lugar na high-risk sa COVID-19 kung saan dito itatayo ang mga contact tracing centers na may kaukulang standard metric.
Maaari namang magrekomenda ang Local Government Units sa pamamagitan ng mga mayor at governor kung anong mga barangay, siyudad, bayan o probinsya ang nakauri bilang high-risk area.
Tinitiyak din na hahanapin ang mga indibidwal na nakahalubilo ng nagpositibo sa COVID-19 kung saan pinakaprayoridad dito ang mga naka-close contacts ng confirmed case.
Sinisiguro rin na lahat ng traced contacts ay maiging babantayan para sa anumang posibleng sintomas ng sakit at kung sakali ay isasailalim agad sa test, isolation at treatment.
Pamumunuan naman ng isang medical doctor ang itatatag na contact tracing center at ang DOH ang maglalabas ng mga implementing rules and regulations sa oras na maisabatas ito.