
Pinasusuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang posibilidad ng pagtatayo ng karagdagang containment structures para sa mga watershed sa Sierra Madre upang mabawasan ang pagbaha at maiwasan ang pinsala sa kalikasan.
Ayon sa DPWH, magsasagawa ito ng feasibility studies at posibleng lumapit sa Japan para sa financial assistance para sa nasabing proyekto.
Kahapon, bumisita ang Pangulo sa Marikina City upang inspeksyunin ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) sa Marikina Bridge Under Loop sa Barangay Santo Niño, na layong mapahusay ang natural drainage system ng Metro Manila bilang hakbang laban sa pagbaha.
Sakop ng Phase IV ng PMRCIP ang pagpapabuti ng flood control measures sa Marikina, Montalban, at Metro Manila, na target matapos sa 2028. Kasabay nito, inaasahang matatapos ang Marikina Control Gate Structure (MCGS) sa pagitan ng 2029 at 2030.
Sinuri din ng Pangulo ang ikinakabit na culvert pipes sa kanto ng Sumulong Highway at McDonald’s Avenue sa Marikina City.









