Pagtatayo ng dagdag na EDCA sites, kinontra ng ilang lokal na pamahalaan

Kinontra ng ilang lokal na pamahalaan ang balak na pagtatayo ng apat na dagdag na military sites para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa pagdinig ng Committee on Foreign Relations patungkol sa EDCA, sinabi ni Cagayan Province Governor Manuel Mamba na hindi man lang sila kinunsulta sa pagkakaroon ng EDCA site sa Cagayan.

Isa kasi ang Cagayan sa lugar na lumalabas na pagtatayuan ng dagdag na EDCA sites kasama ang Isabela at Zambales.


Dahil sa kawalan ng konsultasyon sa kanilang lokal na pamahalaan ay hindi rin niya masabi sa kaniyang mamamayan ang tungkol sa balak na pagtatayo ng military facilities sa kanilang lalawigan.

Hindi rin naniniwala si Gov. Mamba na para sa humanitarian at disaster ang planong pagtatayo ng EDCA sa kanilang lugar dahil noong 2016-2017 na may Balikatan exercises sa kanilang lalawigan, dalawang malalakas na bagyo ang sumalanta sa kanila noong 2016 at 2018 at wala siyang nakitang Amerikanong sundalo na tumulong sa kanila at wala ring donasyong produkto mula Estados Unidos.

Iginiit pa ng gobernador na ayaw nilang maging kaaway at ayaw nilang magamit na panakot sa ibang mga bansa at ang tanging maiaalok ng Cagayanos sa ibang mga bansa ay pagkakaibigan.

Inihayag naman ni Foreign Relations Chairman Senator Imee Marcos na ganito rin ang sentimyento at posisyon ng mga lokal na pamahalaan ng Isabela at Zambales at hindi rin nakonsulta ang mga nabanggit na lalawigan tungkol sa pagtatayo ng dagdag na EDCA sites.

Facebook Comments