Inalmahan ni Senator Risa Hontiveros ang pahintulot ng Department of National Defense (DND) na makapagtayo ng cell cites sa mga kampo ng militar ang 3rd telco na DITO Telecom na ang 40% ay hawak ng kompanyang Chinese na pag-aari ng pamahalaan ng China.
Kaugnay nito ay pinapamadali na ni Hontiveros sa Senado ang imbestigasyon ukol sa epekto sa seguridad ng pagtatayo sa loob ng military camps ng DITO Telecom ng cell towers.
“Kailangan mabusisi ang kasunduang ito kasi mahirap paniwalaan na walang pansariling interes ang Tsina sa pagtayo nito ng cell sites sa sarili mismo nating military camps. Wala bang ibang cell sites? Bakit kailangan sa military bases? It’s as if the Chinese state itself is present within our military camps. Our national security is at risk here. In Article 7 of the Chinese National Intelligence Law, obliged ang mga Chinese corporations na tulungan ang gobyerno nila sa data and intelligence-gathering efforts” pahayag ni Sen. Hontiveros.
Si Senator Francis Kiko Pangilinan naman ay iginiit kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na kanselahin ang kasunduan para sa pagtatayo ng DITO Telecom ng cell towers sa loob ng kampo ng militar dahil ito ay maaaring gamitin sa pang-eespiya.
Ipinunto pa ni Pangilinan na may mga malalaki at high tech na bansa na ang nagbawal o nagkansela ng kontrata sa mga telecommunications company o manufacturers ng cellphone buhat sa China dahil sa hinalang mag-eespiya ang mga ito.
Diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang military camps ay dapat no-go zones sa posibleng Trojan horse o kalaban na magpapabagsak sa atin.
Giit ni Recto, napakalaki ng lupain ng Pilipinas at kahit saan pwedeng magtayo ng cell towers ang DITO Telecom tulad sa mga public school o campus ng mga state university.