Binuhay muli ni Senator Christopher “Bong” Go ang panawagan para sa agarang pagpapatibay ng panukalang pagtatayo ng evacuation centers sa bawat lugar sa bansa.
Ang apela ng senador ay matapos na salantahin ng Bagyong Amang ang malaking bahagi ng Luzon na nagpabaha at nagpalubog sa maraming lalawigan.
Tinukoy ni Go na tuwing may kalamidad ay napipilitan ang mga residente na manatili sa ‘makeshift evacuation centers’ tulad ng mga paaralan at mga gymnasium pero sa kabila ng ibinibigay nitong proteksyon laban sa panganib na dala ng bagyo ay kulang naman ito sa mga kagamitan.
Naniniwala si Go na ang pagtatayo ng mandatory evacuation centers ay makakatulong para mabawasan ang mga ganitong problema.
Hiniling ng mambabatas ang agad na pagsasabatas sa Senate Bill 193 na layong magtayo ng permanente, ligtas, at kumpleto sa pasilidad na evacuation centers sa bawat munisipalidad, siyudad at probinsya sa buong bansa.
Binigyang diin ni Go na napakahalagang unahin ang kaligtasan ng mga mamamayan dahil hindi naman mahuhulaan kung kailan na lamang tatama ang isang kalamidad o sakuna sa bansa kaya mainam na handa tayo bago pa man ito dumating.
Dagdag ng senador, napakaimportante na makapagpatayo ng isang dedicated evacuation center na may sapat na emergency packs tulad na lamang ng maayos na tulugan, may malinis na tubig, gamot, at iba pang relief goods upang tiyak na maibibigay sa evacuees ang nararapat na proteksyon at pangangailangan tuwing panahon ng kalamidad.