Pagtatayo ng evacuation centers sa bawat siyudad at munisipalidad, aprubado na sa Kamara

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong magtayo ng evacuation centers sa bawat siyudad at munisipalidad.

Sa botong 195 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay naipasa sa pinal na pagbasa sa plenaryo ang House Bill 8990 na titiyak sa kaligtasan ng mamamayan tuwing may emergency o disaster sa bansa.

Layunin din ng panukala na maiwasan na ang paggamit sa mga paaralan at mga private facilities bilang temporary evacuation centers.


Tinitiyak sa ipatatayong mga evacuation center na matutugunan ang pangangailangan ng mga ililikas lalo na ang mga senior citizen, mga bata, mga may kapansanan, mga buntis at mga may sakit.

Ang bawat evacuation centers ay mayroong sleeping quarters, shower at toilet facilities, food preparation area, emergency exit doors, trash at waste segregation area, health care area at iba pa.

Itatayo ang mga evacuation center sa accessible areas upang agad na mapuntahan sakaling kailanganing lumikas agad ng mga residente.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang siyang magiging lead agency para sa implementasyon sa oras na maging ganap na batas ang panukala.

Facebook Comments