Umapela si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na madaliin na ng pamahalaan ang panukalang batas para sa pagtatayo ng correction facility na malayo at hiwalay sa general population.
Ito ay para masawata na ang patuloy na paggawa ng krimen ng mga bilanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Inamin ni Dela Rosa na noong siya ang Hepe ng Philippine National Police (PNP) at naging Chief ng Bureau of Corrections (BuCor) ay may Supreme Court Justice na humingi ng saklolo dahil pinagbantaan ng isang drug lord sa Bilibid ang kanyang buhay at ang pamilya kapag hindi pumabor sa kaso gayundin ang isang kaso pa ng drug lord na kahit nakakulong ay tinangkang ipapatay ang nobya dahil sa pera at selos.
Naniniwala si Dela Rosa na kung makakapagpatayo ng “state of the art” na correction facility na malayo sa general population ay makokontrol o mababawasan ang paggawa ng krimen ng mga preso.
Bukod dito, posible rin ang pagkakaroon ng limitasyon sa pagdalaw ng mga bisita dahil sa malayo ang lokasyon lalo’t napag-alaman na ang mga gamit na naipupuslit ng mga inmate tulad ng cellphones ay mula pala sa mga dumalaw na kaanak o kaibigan.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang senador dahil itinuturing na latak lang ng lipunan ang mga bilanggo sa NBP kaya hindi ito nabibigyan ng sapat na pondo dahilan kaya malaya pa ring naipagpapatuloy ng mga drug lord at iba pang kriminal ang kanilang mga iligal na gawain sa labas ng kulungan.