Pagtatayo ng hubs, hindi solusyon sa pagdami ng POGO at ilegal foreign workers

May pag-aalinlangan sina Senators Sherwin Gatchalian at Joel Villanueva sa plano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na magtayo ng komunidad para sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Naniniwala si Gatchalian na maganda ang intensyon ng PAGCOR pero hindi ito ang solusyon sa isyu ng POGO at tumataas na bilang ng ilegal foreign workers na karamihan ay mga Chinese.

Giit ni Gatchalian, ang mainam gawin ay kolektahin ang tamang buwis mula sa POGO at tiyakin na hindi maagawan ng mga foreign workers ng trabaho ang mga pilipinong manggagawa.


Diin ni Gatchalian, tinatayang nasa 32-bilyong piso ang buwis na hindi nakokolekta mula sa 138,000 mga dayuhang mangagawa sa POGO kada taon at ang paglalagay sa kanila sa hub ay hindi naman makapag-aambag sa koleksyon ng pamahalaan.

Katwiran naman ni Senator Joel Villanueva, sa hakbang ng pagcor ay magmumukhang may kontrol ang gobyerno sa mga POGO at Chinese workers.

Sa tingin ni Villanueva, hindi rin nito matutugunan ang isyu sa national security, money laundering at epekto ng POGO sa ating ekonomoya.

Facebook Comments