Pagtatayo ng karagdagang mga pasilidad na malapit sa mga ospital, mas prayoridad ng DPWH

Naniniwala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na mas “praktikal” na magtayo ng karagdagang mga pasilidad tulad ng modular facilities na malapit sa mga ospital.

Ito’y sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang pahayag ni Villar na itinalaga rin bilang Isolation Czar ay kasunod ng panukala ng Philippine College of Physicians na gawing “treatment center o hospital facility” ang ilang mga hotel para mabawasan ang mga pasyenteng may COVID-19 na nasa mga ospital sa Metro Manila.


Ayon kay Villar, ipinauubaya na niya sa Department of Health (DOH) ang “medical concerns” at pagpapasya hinggil sa panukala.

Aniya, mas alam ng DOH kung kayang i-convert ang mga hotel bilang treatment o hospital facilities.

Pero para kay Villar, mas mainam kung magtayo na lamang ng mga pasilidad na nasa tabi ng mga ospital para mas matutukan ang kalagayan ng mga pasyente.

Nabatid kasi na mas mahirap ang pag-aasikaso kung masyadong malayo sa mga pagamutan ang hospital extension o pasilidad.

Ito rin ang rason kung bakit nakatutok ang DPWH na magamit ang mga lote na nasa tabi ng mga ospital na maaaring pagtayuan ng mga pasilidad.

Sa ngayon, sinabi ni Villar na sa pakikipagtulungan sa DOH ay magtatayo pa sila ng mas maraming modular facilities na karaniwang hinihiling ng mga lokal na pamahalaan partikular ang mga nangangailangan.

Facebook Comments