Sinimulan na kanina ang seremoniya para sa groundbreaking ng Manila Mega COVID Field Hospital sa bahagi ng Rizal Park Burnham Green sa lungsod ng Maynila.
Bahagi ito ng proyekto ng pamahalaang lungsod ng Maynila bilang pagtugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19, hindi lamang sa lungsod, maging sa iba pang parte ng Metro Manila.
Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ng Manila Mega Field Hospital kung saan kasama niya rito ang ilang opisyal na pamahalaan tulad nina Health Undersecretary Leopoldo Vega, Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, NTF Chief Secretary Delfin Lorenzana at MMDA General Manager Jojo Garcia.
Bukod dito, nagsagawa rin ng inspeksyon sa lugar ang mga nasabing opisyal ng pamahalaan kung saan ang Manila Mega Field Hospital na may sukat na 4,402 square meter ay magkakaroon ng 336 bed capacity.
Naglaan ng 154 milyong pisong budget ang pamahalaang lungsod sa nasabing field hospital.
Base rin sa plano, magkakaroon din ito ng anim na wards na mayroong hiwalay na bahagi para sa mga lalaki at babaeng pasyente.
Mayroon din itong palikuran, nurse station para sa bawat ward, sariling water supply, doffing areas, pantry, CCTV cameras at iba pang mga kagamitan na kakailanganin para sa mga pasyenteng tinamaan ng virus.
Sa ngayon, ipinuwesto na ang nasa higit 140 na container vans sa nasabing lugar na gagamitin para sa field hospital kung saan agad na sinimulan ang konstruksyon nito habang target naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila na matapos ito ng dalawang buwan.