Isinulong ni Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr., ang pagtatayo ng “Food Security Cold Storage Facility” sa bawat probinsya sa buong bansa na pag-iimbakan ng mga pagkain at produkto lalo na ng mga gulay at prutas.
Sa inihaing House Bill 6978 ni Haresco ay nakasaad na ang itatayong mga pasilidad ay dapat mayroong temperature-controlled rooms, refrigeration units at iba pang kagamitan.
Mainam din na gamitan ito ng renewable energy at sustainable materials at kailangang may sapat na supply ng tubig.
Inaatasan ng panukala ang Department of Agriculture (DA) na makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng cold storage facilities na dapat ay accessible sa mga magsasaka at producer.
Ang panukala ni Haresco ay solusyon sa tumataas na presyo ng mga bilihin gayundin sa problema sa smuggling at hoarding.
Paliwanag ni Haresco, ang maraming cold storage facilities sa bansa ay paraan para maiwasan ang pagkasira ng mga pagkain at produkto na magpapatatag sa patas na presyuhan at magpapababa sa inflation rate.