Iminungkahi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa pamahalaan ang pagtatayo ng mas marami pang kadiwa stores kung saan mas mababa ng 10 hanggang 20 porsyento ang presyo ng mga pagkain o mga produktong agrikultura.
Pahayag ito ni Lee, makaraang lumabas sa survey ng Pulse Asia na mas malaki ang bilang ng mga Pilipino ngayon na mas malaki ang ginagastos sa pagkain dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bunsod nito ay iginiit ni Lee ang pangangailangan na maipasa na ang inihain niyang House Bill No. 3957 o panukalang Kadiwa Agri-Food Terminal Act na nagtatakda ng institutionalization ng mga Kadiwa Centers sa buong bansa.
Ayon kay Lee, layunin ng panukala na magkaroon ng pinakamainam na solusyon para mabigyan ng access sa mas murang mga bilihin ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Kadiwa store sa bawat bayan at lungsod.
Ang Kadiwa centers or Kadiwa ni Ani at Kita Program ay isang agribusiness and marketing initiative ng Department of Agriculture para magkaroon ng deriktang link ang mga magsasaka at mangingisda sa mga mamimili.