Hiniling sa Senado na madaliin ang pagpapatibay sa panukala ukol sa pagpapatayo ng evacuation centers sa lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa.
Sa Senate Bill 940 o Evacuation Center Act na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian ay isinusulong nito ang pagpapatayo ng evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad na matatag laban sa lakas ng hangin dulot ng bagyo na may bilis na 320 kph at 7.2 magnitude na lindol.
Iginiit ng senador na hindi dapat masanay na palaging ang mga paaralan ang ginagamit bilang evacuation center dahil malaking abala ito sa pagpapatuloy ng edukasyon lalo na pag natapos ang sakuna.
Pinagagawan naman ng listahan ang National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) at Local Government Units (LGUs) para sa mga LGUs na kinakailangang matayuan na ng evacuation center.
Ipinakukunsidera rin ni Gatchalian sa NDRRMC ang pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga paaralan at iba pang establisyimento na ginagamit bilang pansamantalang matutuluyan lalo na kung wala talagang available na pagtatayuan ng evacuation center.