Pagtatayo ng mga imprastraktura sa Pag-asa Island, magpapalakas sa presensya ng bansa sa West Philippine Sea

Inaasahang magpapalakas sa presensya ng bansa sa West Philippine Sea ang planong pagtatayo ng Philippine Navy barracks at Super Rural Health Unit dito sa Pag-asa Island.

Kaninang umaga ay nagtungo sa Pag-asa Island si Senate President Juan Miguel Zubiri kasama sina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator JV Ejercito para sa groundbreaking ceremony ng naturang mga proyekto na kabilang sa pinondohan ng Senado ngayong taon.

Giit ni Zubiri, na siyang nagsulong ng mga proyekto, ang mga imprastraktura ay hindi lang investment sa Pag-asa island at sa Kalayaan kundi ito ay investment para sa seguridad sa West Philippine Sea.


Maipapakita aniya natin sa China at sa buong mundo na may lumalaking komunidad sa Kalayaan at gumagana ang military unit na handang magpatrolya sa ating teritoryo at sa ating exclusive economic zone.

Sinabi ni Zubiri na mahalagang maiprayoridad ang development ng mga isla sa West Philippine Sea dahil ito ay malinaw na teritoryo ng Pilipinas.

Dagdag pa ng Senate President, simula pa lamang ito at patuloy na palalakasin ng Senado ang defense posture sa Kalayaan at patuloy na susuportahan ang pag-unlad ng munisipalidad.

Facebook Comments