Isinusulong ni Deputy Speaker at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II ang pagtatayo ng mas marami pang modernong kulungan sa bansa.
Ang rekomendasyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pagtatayo ng fully automated, modern at state-of-the-art na walong palapag na city jail sa syudad ng Mandaluyong.
Umaasa si Gonzales na sa ilalim ng 2022 national budget ay mabibigyan ng alokasyon ang pagtatayo ng mga bagong jail facilities.
Paliwanag ng kongresista, bukod sa mahalagang mapabuti ang sitwasyon ng mga Persons Deprived of Liberty sa bansa (PDLs) ay importante ring masolusyunan ng pamahalaan ang napakasikip na mga kulungan at pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga bilangguan.
Ipinunto pa ng mambabatas ang kahalagahan ng pagbuo ng maayos na pasilidad para matulungang mareporma ang mga PDLs at maprotektahan din ang mga ito laban sa sakit na COVID-19.