Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na madaliin at dagdagan pa ang mga modular tents para mabawasan kundi man mawala nang tuluyan ang COVID-19 patients na naghihingalo sa labas ng ospital.
Sinabi ito ni Go kasunod ng paglulunsad ng modular tents sa Quezon Institute bilang tugon sa kanyang panawagan na pagtatayo ng modular units na kumpleto sa gamit para sa mga severe cases ng COVID-19.
Binanggit ni Go na plano na magtayo ng modular tents na katulad ng sa Lung Center of the Philippines na mayroong 16 beds, 22 beds sa Dr. Jose Rodriguez Hospital, 60 beds sa National Kidney and Transplant Institute at Batangas City na mayroong 44 beds.
Bukod dito, kinumpirma rin ni Go na plano ng gobyerno na dagdagan ang mga hotel na gagamitin ng mga healthcare worker para maging komportable silang magpahinga at magpagaling.
Inihayag ni Go na may ilang healthcare workers na nagagamit ang ilang hospital beds kapag naka-quarantine kaya makakabawas sa ocupancy rate sa mga hospital bed kung mailipat ang mga ito sa mga hotel.