Nilinaw ni Senate Committee on Accounts Chairman Alan Peter Cayetano na tuluy-tuloy ang pagtatayo ng New Senate Building (NSB) sa Taguig City.
Kaugnay na rin ito sa naunang ulat na pinasuspinde ni Senate President Chiz Escudero ang konstruksyon ng bagong gusali ng Senado dahil sa biglang paglobo ng pondo na gagastusin para sa buong pagpapatayo ng gusali na aabot na sa P23 billion mula sa naunang P8.9 billion.
Ayon kay Cayetano, tuluy-tuloy lamaang ang konstruksyon ng phase 1 at phase 2 ng NSB habang nire-review ng bagong liderato ang paglaki ng pondo para sa pagpapatayo ng gusali.
Tinukoy ng senador na ang tanging na-hold lamang ay ang dagdag na P10 billion na pondo na kakailanganin para makumpleto ang imprastraktura.
Sa ngayon kasi, mula sa P8.9 billion ay umakyat na sa P13 billion ang nagagastos para sa konstruksyon ng NSB at may dagdag pang P10 billion para tuluyang matapos ito at ang dagdag na halaga ay hindi pa naman dumadaan sa bid o procurement kaya pinatigil muna upang pag-aralan ng husto kung saan pa ito gugugulin.
Sinabi pa ni Cayetano na kumuha na rin sila ng mga eksperto na makakatuwang sa pagre-review ng Senate Secretariat, staff ng Committee on Accounts, at mismong tauhan din ng senador.