Bukas si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na irekomenda ang pagkakaroon ng POGO zone sakaling sa huli ay hindi ma-ban at mapagdesisyunan na lamang na i-regulate ang mga POGO sa bansa.
Ayon kay dela Rosa, bukas siya kung ipapatigil na ang POGO sa bansa o kung ipagpapatuloy pa ang operasyon ng mga ito.
Pero sakali naman aniyang ipagpapatuloy pa rin ang POGO operation ay mabuting magkaroon ng mahigpit na regulasyon dito.
Iminungkahi ni dela Rosa na ilagay ang mga POGO sa isang lugar na madaling makokontrol ng mga otoridad, Bureau of Immigration at pati ng PAGCOR tulad na lamang ng isang POGO exclusive zone.
Sinabi pa ni dela Rosa na lumagda siya sa committee report ni Ways and Means Commitee Chairman Senator Sherwin Gatchalian pero mag-i-interpellate siya sa report sa oras na isponsoran na ito sa plenaryo.
Aniya, gusto niya na kung tuluyang i-ban ang mga POGO sa bansa ay gawin ito ng gradual o dahan-dahan at hindi biglaan kung saan bibigyan ang mga ito ng dalawang taon na grace period para makapaghanda ang mga negosyong maaapektuhan ng ban at makapaghanap ng ibang trabaho ang mga kababayan.