Inirekomenda ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na ang mga barangay na lamang ang dapat na manguna sa pagtatayo ng mga public toilets.
Ang pagtatayo ng maayos na pampublikong palikuran o sanitation facility ang nakikitang epektibong paraan para mawakasan ang pagkakasakit lalo na ng mga kabataan ng polio.
Pero ayon kay Defensor, dapat na ang barangay na lamang ang manguna at humawak ng pondo para sa pagpapatayo ng mga public toilets at hindi ang Department of Health (DOH).
Ikinakabahala ni Defensor na posibleng magkaroon nanaman ng iregularidad kung ipapaubaya sa DOH ang pagtatayo ng mga public toilets.
Matatandaang noong nakaraang administrasyon, sa P8.1 billion na pondo para sa konstruksyon ng 5,700 barangay health stations ay nasa 270 lamang ang naitayo kung saan marami dito ay hindi pa tapos at inabanduna na ng mga kinuhang contractors.
Iginiit ni Defensor na ibigay na lamang ang proyekto para sa zero open defacation sa mga barangay dahil ang mga ito ang mas pamilyar at nakakaalam ng tunay na kondisyon sa kanilang mga lugar.