Pagtatayo ng temporary learning spaces sa mga lugar na naapektuhan ng lindol, tinututukan ng gobyerno para makasabay sa pagbubukas ng klase sa August 22

Nakatutok ngayon ang pamahalaan para masiguro na makasasabay sa pagbubukas ng klase sa August 22 ang mga tinatayong temporary learning spaces sa mga lugar na nakaranas ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong July 27, at naramdaman rin sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Education Spokesperson Michael Poa na patuloy ang pagtatayo ng temporary learning spaces ng gobyerno sa mga lugar na napinsala ng lindol.

Nakapag-download aniya ng pondo ang Department of Education (DepEd) para dito.


Sa ngayon, ayon sa opisyal ay patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang regional directors, maging sa mga lokal na pamahalaan sa lugar, para sa mga espasyo na maaari pang pagtayuan ng temporary learning spaces.

Dagdag pa ni Director Poa na ang mga mag-aaral na nasa temporary learning spaces ay magpapatupad ng alternative delivery modes habang ang mga hindi pa napatayuan ng temporary learning spaces ay sasailalim muna sa modular studies.

Facebook Comments