
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng “tent city” sa Bogo City, Cebu para pansamantalang masilungan ng mga residente na nawalan ng tirahan dahil sa 6.9-magnitude na lindol.
Sa kaniyang pagbisita sa Cebu, sinabi ng pangulo na layon nitong bigyan ng ligtas at mabilis na masisilungan ang mga residente na natatakot bumalik sa mga nasirang gusali, kabilang na ang mga evacuation center.
Ayon sa pangulo, pwedeng gamitin ang malalaking tolda mula sa Philippine Red Cross na dating ginamit noong pandemya.
Sisiguruhin din aniya na may pagkain, malinis na tubig, kuryente, at iba pang pangunahing serbisyo sa mga tent facility para sa mga apektadong pamilya.
Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na patuloy ang tulong at suporta ng pamahalaan para sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad hanggang sa kanilang ganap na pagbangon.









