
Hinikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang publiko na huwag mag-atubiling tumawag sa mga Anti-VAWC hotlines upang agad na mai-report ang mga kaso ng pang-aabuso, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa child sexual abuse at exploitation.
Isinasagawa ang hakbang na ito kasabay ng paggunita sa ika-30 National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, kung saan muling iginiit ng lungsod ang matibay nitong paninindigan na protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, bullying, trafficking, at iba pang anyo ng karahasan.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor at ahensya, patuloy ang mga aktibidad na naglalayong turuan ang mga bata tungkol sa “good touch” at “bad touch,” magtatag ng ligtas na espasyo sa mga paaralan at komunidad, at tiyaking may agarang tulong na maaasahan ang mga biktima at kanilang pamilya.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng insidente sa pamamagitan ng mga itinalagang hotline para sa Anti-Bullying, Anti-Suicide, Anti-VAWC, at Anti-Child Trafficking upang mas mabilis na makapagbigay ng aksyon at tulong ang mga kinauukulan.
Sa patuloy na kampanyang ito, layon ng lungsod na mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran kung saan ang bawat bata ay pinangangalagaan, pinoprotektahan, at pinahahalagahan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










