Pagtawag sa Pilipinas bilang “hotspot” ng online sexual abuse sa mga bata, pinalagan ng CWC

Pumalag ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa pagtawag sa Pilipinas bilang “hotspot” ng online sexual abuse sa mga bata.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales na kung nakikita mang may pagtaas sa kaso ng online sexual abuse and exploitation of children, ito ay dahil ginagawa talaga ng mga awtoridad ang kanilang trabaho kaya nadidiskubre ang mga krimen.

Giit ni Tapales, sa halip na i-label bilang hotspot ay pwede aniyang sabihin na isang serious concern ito sa bansa.


Ayon pa kay Tapales, mula nang ipatupad ang batas o Anti-OSAEC Act noong 2022 ay nasusukat na ang bilang ng mga insidente nito.

Lumalabas aniya na 36% ng populasyon ng bansa ay mga bata, at sa bilang na ito 80% aniya ay nanganganib na mabiktima ng online predators.

Dahil dito, ginagawa raw ng pamahalaan ang lahat para maprotektahan ang interes ng mga bata.

Target aniya nilang maging global leader ang Pilipinas sa paglaban sa child abuse at magkaroon ng best practices na gagayahin ng ibang mga bansa sa South East Asia.

Facebook Comments