Isinusulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na magkaroon ng probisyon sa 2022 national budget na magbabawal ng parking ng pondo sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) at Philippine International Trade Corp. (PITC).
Ang hakbang ni Drilon ay solusyon sa mga kontrobersiyang dulot ng pagtengga ng pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa PS-DBM at PITC.
Sabi ni Drilon, ang PS-DBM at PITC ay ginagamit ng mga government agencies para mapaikutan ang procurement laws at expiration ng kanilang otoridad sa paggamit ng pondo.
Diin ni Drilon, ang ganitong gawain ay nahahadlangan na magamit ang pondo para agad na maipatupad ang mga nakalinyang proyekto o programa ng pamahalaan na makakatulong sa pag-usad ng ekonomiya at sa mamamayan.
Base sa pagtaya ni Drilon ay umaabot sa P91.8 billion ang halaga ng pondong nailipat sa PS-DBM mula 2016 hanggang 2017.
Sa kompyutasyon ni Drilon ay umaabot naman sa P50.7 billion ang pondo ng government agencies na naitambak sa PITC mula 2014 hanggang 2020.