Pagtindi ng korapsyon sa administrasyon, si Pangulong Duterte mismo ang nagsabi

Tinatanggap ni Senator Manny Pacquiao ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na patunayan na mas tumindi pa ang katiwalian sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kaugnay nito ay nagpasalamat din si Pacquiao na nabigyan siya ng pagkakataong tumulong kay Pangulong Duterte para magbigay ng mga impormasyon para sa kampanya kontra korapsyon.

Pangunahing patunay ni Pacquiao na si Pangulong Duterte mismo ang nagbanggit sa kanyang pahayag noong October 27, 2020 na lalong lumalakas ang korapsyon sa gobyerno.


Tinukoy rin ni Pacquiao ang Department of Health (DOH) kung saan kanilang sisilipin at bubusisiin ang lahat ng mga binili mula sa rapid test kits, Personal Protective Equipment (PPE), masks at iba pa.

Tanong pa ni Paquiao kay Health Secretary Francisco Duque, handa ba ito na ipakita ang kabuuan ng gastos at kung saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya.

Ikinalulungkot ni Pacquiao na sa isyu ng korapsyon sila magtatalo ng pangulo gayong ang kailangan ng bansa ay mga lider na magtutulungan laban dito.

Ayon kay Pacquiao, mawalang-galang na sa mahal na pangulo, nguni’t hindi siya sinungaling at hindi rin tiwali sabay diin na kahit may mga naging pagkakamali siya sa buhay ay kanya namang itinuwid at itinama ang mga ito.

Facebook Comments