Pinasinungalingan ni Pateros Mayor Ike Ponce ang aniya ay paninira kaugnay sa itinayong temporary market sa harap ng Municipality Hall.
Giit ni Ponce, walang kinalaman ang mga donasyon na natatanggap sa mga itinitinda sa temporary market.
Paliwanag ng Alkalde, pinayagan ang mga retailer ng bigas at purefoods na delatang produkto na magtinda sa temporary market dahil sa murang halaga na ibinigay nila sa lokal na pamahalaan para itinda sa mga residente.
Aniya, lahat ng donasyon ay maayos na nakakarating sa mga residente at hindi aniya nila magagawa na pagkakitaan ang mga natanggap na donasyon.
Nanawagan si Ponce na tigilan ang paninira dahil posibleng itigil ng mga donors ang pagbibigay ng tulong sa kanilang bayan kung saan higit na apektado dito ang mga mahihirap.
Tiniyak naman nito na tutugisin at pananagutin ang mga nasa likod ng paninira.