Iginagalang ng Malacañang ang mapayapang pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo ngayong araw sa Quirino Grandstand.
Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, ito ay isang karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon, pinahahalagahan ng mga tao at pinaiiral ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiwala ang Palasyo na magiging mapayapa, matiwasay at makabuluhan ang National Rally for Peace.
Umaasa aniya sila na ang mga ipapahayag na mga opinyon sa gawaing ito ay makatutulong sa paglilinaw sa mga usaping kinahaharap ng bansa at maghahatid sa atin sa tunay na pagkakaisa.
Binigyang diin ni Bersamin ang kahalagahan ng pagkilatis at pakikinig sa lahat ng panig sa isang usapin na aniya’y siyang magdudulot ng kalinawan na hinahanap.
Nakikita aniya nila ang pagtitipon ngayon bilang bahagi ng “national conversation” na dapat ginagawa ng mga tao para magkaroon ng kaliwanagan at pagkakaisa sa mga isyung kinahaharap ng lahat at makaaapekto sa hinaharap.
Kaugnay nito’y inatasan naman ang kaukulang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang nasa peace and order, traffic and transportation management gayundin ang emergency health services, na umalalay para sa kakailanganing tulong ng mamamayan.