Itinutulak ni Senator Lito Lapid sa Senado ang pangangalaga sa karapatan at pagbibigay proteksyon sa mga empleyado ng Business Process Outsourcing (BPO) companies.
Sa Senate Bill 2235 ay isinusulong ni Lapid ang pagtatakda ng praktikal at pantay-pantay na patakaran sa BPO industry upang matiyak ang sapat na proteksyon sa mga manggagawa dito.
Isinusulong sa panukala ang wastong pamantayan sa BPO sector kabilang na ang makataong pagtrato sa mga empleyado, sapat na benepisyo, pribilehiyo at maayos na working conditions.
Mahigpit na ipinagbabawal sa panukala ang “understaffing” o “overloading” sa pagbibigay ng sapat na “ratio” ng “BPO worker to client quota” o di kaya “quantitative targets”.
Pinatitiyak din ang regularization sa mga BPO workers, pagbibigay sa mga ito ng karapatan para sa self-organization, paglahok sa democratic exercises at iba pa.
Ang mga kumpanya o indibidwal na lalabag sa oras na maging ganap na batas ang panukala ay posibleng maharap sa pagkakabilanggo ng hanggang dalawang taon at multang P100,000.