Muling inihain sa Senado ang panukala na titiyak na ang mga gusaling itinatayo sa bansa ay akma at nakasusunod sa inirerekomendang structural stability at integrity na kayang tumagal sa mga kalamidad.
Kaugnay na rin ito sa pananalasa ng Super Typhoon Karding sa bansa na nag-iwan ng malaking pinsala sa mga kabahayan at mga gusali.
Sa Senate Bill 1181 o Philippine Building Act of 2022 ni Senator Bong Go, layunin dito na protektahan ang buhay ng mga tao at mabawasan ang impact o epekto ng kalamidad sa pamamagitan ng pagtatakda ng standards at benchmarks na kailangang sundin ng lahat ng gusali at mga istruktura.
Inaamyendahan sa panukala ang National Building Code upang masigurong lahat ng gusali at structures ay itinayo alinsunod sa alintuntunin ng “building back better”.
Sa ilalim ng panukala ay magkakaroon ng mas epektibong regulasyon sa plano, disenyo, construction, occupancy at maintenance sa lahat ng public at private buildings at structures na nagsusulong sa katatagan ng mga gusali laban sa mga natural at man-made disasters.
Binigyang diin ni Go na ilang dekada na ang lumipas mula nang maisabatas ang National Building Code at panahon na para pag-aralan na iakma ito sa mga pagbabago kaugnay sa building safety.