Pagtiyak sa wastong pagpapatupad ng 2026 budget, magiging hamon sa susunod na taon

Magiging malaking hamon ang pagtiyak sa maayos at tamang implementasyon ng 2026 national budget.

Iginiit ni Senate President pro tempore Ping Lacson na ang pagbabantay ng publiko sa pambansang pondo ay hindi dapat matapos sa pag-apruba at paglagda ng Pangulo, kundi dapat ipagpatuloy hanggang sa mismong implementasyon nito.

Ayon kay Lacson, ang higpit ng pagbabantay na ginawa ng publiko, mga religious groups, at civil society organizations ay dapat mapanatili upang masiguro kung paano gagastusin ng ehekutibo ang pera ng mga taxpayers.

“Hindi dapat magpaka-kampante ang mga tao dahil sa 2026 budget natin makikita kung talagang may reporma sa pamahalaan at sa bansa,” ani Lacson.

Ipinunto rin ng senador ang kahalagahan ng pagkatuto sa mga aral tungkol sa katiwalian sa 2025 national budget at sa mga nakaraang taon.

Hiling ni Lacson ang patuloy na suporta ng mga Pilipino sa reporma at sa mahigpit na pagbabantay sa paggastos ng 2026 budget.

Facebook Comments