Pagtugis ng Senado sa mga sangkot sa Pharmally controversy, suspendido muna dahil sa COVID-19 surge

Sinuspinde muna ng Senado ang pagtugis kina dating Presidential Economic Adviser Michael Yang, dating Procurement Service of The Department of Budget and Management head Loyd Christopher Lao at iba pang personalidad na nauugnay sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, pansamantalang ititigil muna ng Senate Sergeant at Arms o OSAA ang paghahanap sa kanila habang patuloy ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Paliwanag ni Sotto, ito ay para hindi makapanghawa o kaya ay mahawaan ng COVID-19 ang mga tauhan ng OSAA.


Kaugnay nito ay nabanggit ni Senate Sergeant at Arms Retired General Rene Samonte na 16 sa kanilang mga tauhan ang nagpositibo sa COVID-19 habang iba naman ay naka-quarantine.

Ang pagtugis kina Yang, Lao at iba pang sangkot sa Pharmally controversy ay dahil sa hindi nila pagdalo o pagkikipagtulungan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y mga iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.

Facebook Comments