Muling kinalampag ni Senator Grace Poe ang Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth para madaliin ang pag-reimburse sa mga ospital.
Giit ni Poe, ang atrasadong pagbayad ng PhilHealth ng milyun-milyong pisong claim ng mga ospital ay makakaapekto sa ating pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Inihalimbawa ni Poe ang Iloilo City kung saan umaabot na sa P800 million ang claims ng mga hospital at laboratories na hindi pa nababayaran ng PhilHealth sa harap ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Poe, dapat magbayad agad ang PhilHealth upang makatugon ng mahusay ang mga ospital sa pangangailangan ng kanilang mga pasyenteng tinamaan ng virus at iba pang sakit.
Diin ni Poe, buhay ang nakasalalay sa maayos na pagtupad ng PhilHealth sa mga pangako nito sa gitna ng nararansan natin ngayong krisis pangkalusugan.