Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS) partikular ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa kabila ng pagiging agresibo ng China.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, idadaan pa rin ng gobyerno sa legal at diplomatikong paraan at legal ang pagtugon sa isyu kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Diin ni Manalo, malinaw ang polisiya ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na hindi hahayaan na may isang bahagi ng teritoryo ng bansa ang mawala o isuko.
Binanggit din ni Manalo ang pagsusulong ng pamahalaan sa independent and principled foreign policy gayundin ang pagiging isang mabuting kaibigan sa lahat ng bansa.
Sinabi ito ni Manalo sa pagtalakay ng house committee on appropriations sa panukalang pondo para sa DFA sa taong 2023 na nagkakahalaga ng 20.303 billion pesos na mas mababa ng 1.2 billion pesos kumpara sa 2022 budget nito na nasa 21.545 billion pesos.
Humirit naman si DFA undersecretary Antonio Morales na itaas ang pondo ng ahensya dahil nasa 10.7 million na ang mga pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo kaya tumataas din ang demand ng mga ito na mapagsilbihan.