Isa sa nakikitang solusyon ng isang eksperto upang bumaba ang kaso ng tuberculosis sa bansa ay tugunan ang kahirapan sa bansa.
Sinabi ito ni Dr. Rontgene Solante matapos ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Health (DOH) na tutukan din ang iba pang general public health concerns tulad ng TB at HIV.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Solante na maituturing na sakit ng mahihirap ang TB.
Habang dumarami kasi aniya ang mga Pilipinong mahihirap, dumarami rin ang mga nagkakasakit ng TB dahil nagkukumpol-kumpol ang mga ito sa isang masikip na lugar o bahay kaya mabilis na nagkakahawahan.
Ayon kay Solante, nananatili ang Pilipinas sa top 10 countries na nakapag-aambag sa 80% ng kaso ng TB sa buong daigdig.
Kasama rin aniya ito sa top 5 na mga bansang nag-aambag ng mga kaso ng multi-drug resistant tuberculosis.
Makatutulong aniya kung paiigtingin pa ang information campaign sa TB lalo na ang kailangang isolation at pagkumpleto sa gamutan para hindi lumaganap ang sakit at hindi tumaas ang mga kaso.