Pagtugon sa malnutrisyon, dapat palakasin ng gobyerno

Hiniling ni House Committee on Labor and Employment chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles sa gobyerno na pag-ibayuhin ang pagtugon sa problema ukol sa malnutrisyon at nauudlot na paglaki ng mga bata sa bansa.

Babala ni Nograles, makakaapekto ito sa workforce o sektor ng paggawa sa hinaharap na magiging balakid sa pag-usad ng bansa.

Tinukoy ni Nograles ang pagkabahala hinggil dito ng Management Association of the Philippines habang base naman sa World Bank, isa sa kada tatlong batang Pinoy na 5 taong gulang pababa ay nakararanas ng pagkabansot.


Binanggit din ni Nograles ang report ng United Nations Children’s Fund o UNICEF, 30 taon nang nararanasan ang undernutrisyon sa bansa habang 95 na batang Pilipino naman ang namamatay kada araw dahil sa malnutrisyon; at 27 mula sa 1,000 ay hindi lumalagpas ng 5 taong gulang.

Giit ni Nograles, bukod sa national government ay dapat kumilos din ang mga lokal na pamahalaan para palakasin ang kani-kanilang “nutrition campaigns.”

Ayon kay Nograles, ang mga local government unit (LGU) ang “frontline” at may malaking responsibilidad para resolbahin ang malnutrisyon at iba bang isyung pangkalusugan ng mga bata sa kani-kanilang lugar.

Facebook Comments