Wala pa ring pagbabago sa pagtugon ng pamahalaan sa mga problema sa pamamahagi ng cash assistance gayung nangyari na rin ito noong nakaraang taon.
Ito ang puna ni Vice President Leni Robredo sa harap ng mga ulat na nahihirapan ang mga Local Government Units (LGUs) na ipamahagi ang ₱1,000 hanggang ₱4,000 cash aid sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na hindi pa rin natuto ang lahat sa kung paano aayusin ang problema.
Pangamba ni Robredo mas mataas ang tiyansang magkahawaan kung hindi maayos ang pamamahagi ng ayuda.
Ang mga LGUs at barangay ang nakakaalam kung paano maipapamahagi ng ligtas at maayos ang ayuda sa kanilang mga kababayan.
Hindi rin dapat isisi lahat sa mga barangay lalo na kung hindi sapat ang kanilang resources sa pagsasagawa ng cash aid distribution.