Pagtugon sa pangangailangan ng mga COVID-19 at non-COVID patients, pinababalanse sa pamahalaan

Pinababalanse ng ilang mga kongresista sa pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga COVID-19 patients at mga non-COVID patients.

Nangangamba sina CIBAC Partylist Reps. Bro. Eddie Villanueva at Domingo Rivera na posibleng nakakaligtaan na ang mga pasyenteng may ibang sakit bunsod na rin ng pagtaas ng mga kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19.

Binanggit ng mga kongresista na may mga ulat silang natatanggap na maraming non-COVID patients ang nasawi dahil sa hindi agad na-admit sa emergency room habang ang iba naman ay hindi na naipagpapatuloy ang kanilang hemodialysis at chemotherapies dahil naman sa takot na mahawa ng virus sa ospital.


Giit ni Villanueva, isa ring Deputy Speaker, hindi dapat maging “collateral damage” ang mga non-COVID patients dahil sa palaging punuan ngayon ang mga pagamutan.

Bunsod nito ay hinimok ng mga kinatawan ang pamahalaan na gawing prayoridad ang pag-balanse sa polisiya at istratehiya kung paano tutugunan ng sektor ng kalusugan ang pangangailangan at pangangalaga sa mga COVID at non-COVID patients.

Pinatitiyak sa health sector na bukas dapat ang ibang mga pagamutan na hindi naman COVID-19 referral hospitals upang agad mabigyan ng atensyong medikal ang mga pasyenteng may ibang sakit o karamdaman.

Facebook Comments