Pagtulong ng LandBank sa sektor ng agrikultura, pinalawak pa

Inilunsad ngayong araw ng Land Bank of the Philippines (LandBank) ang kanilang pinalawak pang pagtulong sa sektor ng agrikultura kung saan ito ay may temang ‘Serving the Nation’.

Sa virtual launch ng LandBank, sinabi ni LandBank President at CEO Cecilia Borromeo, na ang Landbank bilang pinakamalaking financial institution na sumusuporta sa mga magsasaka, mangingisda, at sa buong sektor ng agrikultura sa bansa, katuwang din ito ng national government sa development agenda.

Ayon kay Borromeo, as of December 31,2021, ang agricultural loans ng LandBank ay umabot na sa ₱247.85-B kung saan 3.2-M na mga maliliit na magsasaka at mangingisda sa buong bansa ang natulungan.


Kabilang sa special lending programs ng LandBank sa sektor ng agrikultura ay pinangasiwaan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang LandBank ay nakapagpautang na rin ng ₱68.9-B sa Local Government Units (LGUs) para sa agri-aqua projects, transportation, at healthcare initiatives.

Nakapag-ambag din ang LandBank sa pag-deliver ng basic services at infrastructure facilities sa buong bansa

Kabilang dito ang konstruksyon at improvement ng 23,825 kilometers ng farm-to-market roads, 239 hospital buildings, 20,153 hospital beds, 788 school buildings, 6,146 classrooms, at access sa potable water sa mahigit 2 million na mga tahanan.

Naging daan din ang LandBank sa distribusyon ng social amelioration programs sa vulnerable sectors na higit na naapektuhan ng COVID-19 pandemic, at ito ay sa ilalim ng social protection programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Facebook Comments