Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ng Malakanyang na wala silang nakikitang mali kung nais tumulong ng mga sundalong Amerikano para mapabilis ang pagsugpo sa mga teroristang Maute sa Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Ernesto Abella, nakasaad sa saligang batas na maaaring magbigay ng tulong ang mga amerikano kaya’t kanila lamang itong sinusunod.
Matatandaan na dati nang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niya ng mga dayuhan sundalo sa pilipinas pero sinabi ni Abella na tanggap na daw ito ngayong ng pangulo dahil sa nangyayaring sitwasyon.
Giit pa ni Abella, hindi na daw bago ang ginagawang pagtulong ng mga Amerikano sa tuwing nagkakaroon ng problema sa terorismo ang bansa.
Nabatid pa na nababahala ang U.S. forces na baka maging pugad ng ISIS ang Marawi City kaya’t nais nilang magbigay ng full support sa pamahalaan pero tinitiyak naman ng malakaniyang na hindi ito mangyayari.
Tiwala pa rin ang pamahalaan na sapat ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tapusin ang pakikipagbakbakan laban sa Maute Group.