Umapela si Deputy Speaker Loren Legarda sa pamahalaan na paigtingin pa ang tulong sa industriya ng sapatusan ng bansa.
Hiling ng kongresista, ibigay ang kinakailangan na funding at technical support upang makabawi ang local shoe industry mula sa pagkalugi ng kanilang negosyo matapos na maapektuhan ng pandemya.
Giit ni Legarda, patuloy na nahihirapan ang local shoe industry na mapanatili ang kanilang operasyon dahil kulang ang suporta tulad ng pagtangkilik at marketing ng kanilang mga produkto.
Inirekomenda ng lady solon na suportahan dapat ng parehong national at local government ang industriya sa pamamagitan ng pagimbita sa mga Pilipino at dayuhan na bisitahin ang shoe museum ng bansa at magorganisa ng trade fairs na magpapakita ng mga likhang produkto na sapatos.
Pinalalakas din ng kongresista ang information dissemination para maipaabot sa mga shoemakers at iba pang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang available government programs at iba pang assistance na pwede nilang ma-avail.