Pagtulong sa mga OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, pabibilisin pa ng DMW

Ibinida ng pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroon na silang ginagawang hakbang para matulungan ang displaced Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia matapos mabangkarote ang mga kumpanya dahil sa financial crisis noong 2015 hanggang 2016.

Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng DMW, LANDBANK, at ang Overseas Filipino Bank na layong mapabilis ang pagproseso ng mga tseke na inisyu ng Saudi government para sa hindi nabayarang sahod at benepisyo.

Ayon kay DMW Officer-in-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac, ang DMW bukod sa iba pa ay tutulong sa pagtukoy sa mga tagapagmana ng mga namatay na Saudi OFW claimants, pag-eendorso ng kanilang claims checks at paggarantiya sa bayarin at pagpapalabas ng pera.


Samantala, ang LANDBANK at OFBank ay magbibigay ng mga kinakailangang serbisyo at solusyon sa pagbabangko upang mapadali ang pagseserbisyo sa mga naghahabol na OFW.

Ang paglagda sa DMW-LANDBANK-OFBank MOA ay nagmamarka ng isang makabuluhang milestone at pag-unlad tungo sa pagresolba sa isyu ng libu-libong displaced OFWs.

Matatandaan noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinimulan ng Alinma Bank of Saudi Arabia ang pamamahagi ng mga tseke sa mga displaced Saudi OFWs.

Facebook Comments