Pagtuloy sa operasyon ng ABS-CBN kahit expired na, posibleng makuwestyon sa Korte

Nagbabala si Albay Representative Edcel Lagman, na maaaring makwestyon sa korte ang ABS-CBN kapag itinuloy pa rin nito ang operasyon kahit na expired na ang franchise nito sa March 30, 2020.

Paliwanag ni Lagman, ang pagbibigay opinyon ng liderato ng Kamara na maaaring ituloy ng ABS-CBN ang kanilang operasyon habang hindi pa rin naikakalendaryo para sa pagdinig ang franchise renewal ay maaaring ikapahamak ng media network.

Paliwanag ni Lagman, maaari itong makuwestyon sa korte dahil hindi validated by jurisprudence ang sinasabing pagkuha ng provisional authority sa National Telecommunications Commission (NTC) para sa pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN.


Malinaw aniya na nakasaad sa Section 16 ng Public Telecommunications Policy Act of the Philippines na hindi maaaring magsagawa ng business o operasyon ang isang public telecommunication entity kung wala pa itong franchise.

Sinabi rin nito na dapat ay may na-renew nang prangkisa kasabay ng pag-expire nito para sa tuloy-tuloy na serbisyo.

Sa halip aniya na bigyan ng gawa-gawang remedyo ang ABS-CBN ay dapat na madaliin na ng Kamara ang pagapruba sa franchise bills nito.

Facebook Comments