Nakatutok ngayon ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa paghahanap sa iba pang Pilipinong posibleng nadamay sa malakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Ito ay matapos na umakyat na sa 4 ang bilang ng mga Pinoy na namatay sa nasabing pagsabog, habang umabot na rin sa 31 ang Overseas Filipino Workers (OFW) na nasugatan.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Usec. Eduardo Martin Meñez, pinag-aaralan na rin ng DFA ang posibleng pagpapadala ng karagdagang mga tauhan na tutulong sa pag-locate at pag-assist sa mga Pinoy na naapektuhan ng pagsabog.
Gayunman, ito aniya ay nakadepende pa rin sa magiging rekomendasyon ng Philippine Embassy.
Bukod dito, isinasaalang-alang din aniya nila ang quarantine protocols na dadaanan doon ng team na manggagaling sa Pilipinas.