Desisyon pa rin ng mga health workers kung gusto ng mga ito na magpabakuna kontra COVID-19 gamit ang Sinovac vaccine.
Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi inirerekomenda ang naturang brand sa kanila.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naman ipinagbabawal at malaya ang mga health workers na mamili ng bakuna na ituturok sa kanila.
“Alam ninyo po, it’s up to the health care workers dahil nilinaw na po ni Dr. Domingo, if they want it, they can have it. It is not a contraindication, hindi po ipinagbabawal. If they want it, they still have their priority; if they don’t want it, they will still have their priority kung dumating iyong ibang mga brands.” ani Roque .
Una nang nilinaw ng FDA na pwede pa ring iturok sa healthcare workers ang Sinovac vaccine.
Batay sa datos ng FDA, nasa 60 hanggang 90% ang efficacy rate ng Sinovac vaccine sa Indonesia at Turkey.
Habang 50.4% sa Brazil, kung saan ginamit lang ang bakuna sa exposed healthcare workers.