Pagtutok sa mga mag self-quarantine, iniatas sa brgy health response team

Manila, Philippines – Iniatas sa mga Barangay Health Emergency Response Team ang pag-track down o pagtutok sa mga magsi-self quarantine na mga Pinoy na uuwi dito sa bansa, mula sa China.

Sa ‘Laging Handa’ briefing dito sa Malacañang, pinayuhan ng RITM ang mga uuwing Pinoy sa bansa na wala namang ipakikitang sintomas, na isailalim ang sarili sa self-quarantine sa kanilang mga tahanan sa loob ng 14 na araw.

Ayon kay Communication Secretary Martin Andanar, base sa impormasyon mula kay DILG Secretary Eduardo Año, araw-araw na imo-monitor ng mga barangay health workers ang temperatura ng mga bagong uwi na Pilipino sa bansa, hanggang matapos ang quarantine period.


Sa oras aniya na mayroong magpakita ng sintomas ng novel corona virus mula sa mga ito, makikipag-ugnayan ang barangay officials sa mga otoridad para sa agad na pag-transfer ng pasyente sa ospital para sa treatment at isolation nito.

Ayon naman kay Secretary Año, dapat na ideklara ng mga uuwing Pinoy ang kanilang sarili sa kanilang mga barangay upang ma-monitor sila ng mga health workers.

Magkakakilala naman aniya ang mga nasa iisang barangay kaya at malalaman sa kanilang lugar kung sino ang mga bagong uwi.

Facebook Comments